Pinalagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang inisyung bagong travel advisory ng China sa Pilipinas at tiniyak na tinutugunan ng law enforcement officers ang mga napaulat na krimen kabilang ang kinasasangkutan ng Chinese nationals.
Sa isang statement ngayong Lunes, Setyembre 1, nanindigan ang DFA na ang mga insidente ng krimen na iniulat sa mga awtoridad sa bansa kabilang ang mga nagawa ng Chinese nationals laban sa kanilang kasamahan ay masusing tinutugunan ng kaugnay na law enforcement authorities.
Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa relevant stakeholders sa naturang mga kaso.
Ginawa ng ahensiya ang pahayag matapos balaan ng Chinese Foreign Ministry ang kanilang mamamayang Chinese sa lumalala umanong public security sa Pilipinas na tinatarget umano ang mga Chinese national, subalit ayon sa DFA, “mischaracterize” ito sa sitwasyon sa bansa.
Pinaiiwas din ang mga Chinese national sa high-risk areas at pinayuhan ang mga nais na bumisita sa Pilipinas na magsagawa ng masusing risk assessment bago planuhin ang biyahe.
Subalit sa parte ng DFA, iginiit nito ang commitment ng Pilipinas para sa isang konstruktibong pagtugon sa mga isyu sa mutual concern sa pagitan nila ng China.
Kung saan kamakailan lamang nagsagawa ang dalawang panig ng ika-9 na Philippines-China Joint Consultation Meeting kung saan tinalakay ang mga concern at mga hakbang para palalimin pa ang law enforcement cooperation ng dalawang bansa.