Naglabas ng matinding pahayag ang Office of the Executive Secretary ng Malacañang nitong Sabado, kasunod ng mga umano’y “political spins” mula sa ilang miyembro ng House of Representatives na sinasabing naglalayong ibaling ang sisi sa Executive Branch kaugnay ng mga isyu ng korapsyon at kabiguan sa pamahalaan.
Ayon sa pahayag, mariing tinututulan ng gabinete ng Pangulo ang mga pahayag ng ilang kongresista na anila’y ginagamit ang isyu ng budget at imbestigasyon bilang political theatrics upang takpan ang sariling pagkukulang.
Binigyang-diin ng Malacanang na hindi nila palalampasin ang anumang pag-atake sa integridad at reputasyon ng Executive Branch, lalo na kung ginagamit ang budget process bilang hostage ng mga pansariling interes.
Dagdag pa ng palasyo, ang mga isinasagawang imbestigasyon sa mga anomalya sa pamahalaan ay mananatiling walang saysay kung ang mismong pinagmumulan ng korapsyon ay hindi tinutugunan.
Hinimok ng palasyo ang Kamara na tugunan ang panawagan ng taumbayan para sa ganap na pananagutan.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, dapat magsimula ang paglilinis sa loob ng Kongreso upang maging epektibo ang anumang reporma sa pamahalaan.
“All our investigations into the anomalies will be futile if the sources of corruption remain unchecked. Hence, we urge the House of Representatives to heed the demand of the people for full accountability: CLEAN YOUR HOUSE FIRST!” saad ng pahayag mula sa tanggapan ni Bersamin.
Ang pahayag ay lumabas sa gitna ng umiinit na tensyon sa pagitan ng ilang miyembro ng Kongreso at ng ehekutibo, kaugnay ng mga isyu sa alokasyon ng pondo, transparency, at accountability sa pamahalaan.