-- Advertisements --

Nanindigan si Senate President Tito Sotto III na isusulong pa rin ng Senado ang panukalang Independent People’s Commission (IPC) na mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ito ay kahit malamig ang Malacañang sa Senate Bill No. 1512, ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng IPC — kung saan sinabi ng Palasyo na mado-doble lamang daw ang tungkulin ng Ombudsman at Department of Justice (DOJ).

Giit ni Sotto, patuloy nilang isusulong ang panukalang IPC sapagkat hindi pa naman daw naaaral ng Malacañang ang naturang bill.

Ipapaliwanag daw nila sa Palasyo ang nilalaman ng panukalang batas sa tamang panahon.

Ipinagtataka naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang biglaang paglamig ng Malacañang sa panukalang batas na naglalayong bumuo ng isang independent commission.

Ayon kay Lacson, hindi malinaw kung bakit nawala ang sigasig ng Palasyo, lalo’t ang naturang komisyon — na tinawag niyang Independent Commission for Infrastructure — ay nakatutulong sa paglalantad ng mahahalagang impormasyon na maaaring gamitin ng Office of the Ombudsman at Department of Justice sa pagsasagawa ng kanilang preliminary investigations at makabuo ng matibay na kaso laban sa mga responsable sa paglulustay ng pondo ng bayan.

Dagdag ng senador, kahit nagsimula na ang Kongreso sa sarili nitong mga hakbang upang suportahan ang direktiba ng Pangulo na tuklasin ang anomalya sa mga infrastructure projects, hindi pa rin umano nararapat na ihinto ang suporta sa isang independent commission.