-- Advertisements --

Kinalampag ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA) sa pamahalaan na huwag gawing state witness ang mga pangunahing sangkot sa anomalya sa flood control projects habang nagpapatuloy ang kaso laban sa mga responsable sa multi-bilyong pisong kickback scheme.

Ayon kay Carlos Ayala, executive director ng NITA, ang tunay na katarungan ay makakamtan lamang kung mananagot ang mga pangunahing arkitekto ng katiwalian at hindi bilang kasangkapan.

Isa sa mga binanggit niya ay si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na diumano’y central operator sa paglipat at maling paggamit ng bilyun-bilyong pisong pondo.

Kabilang din sa mga iniulat na posibleng gawing state witnesses sina Henry Alcantara at Brice Hernandez mula sa Bulacan District Engineering Office, na nakapagbalik na ng malaking halaga ng pera at ari-arian mula sa flood control anomalies.

Kaugnay nito, hinimok ng grupo ang pamahalaan na unahin ang pagbawi ng mga ari-arian, i-freeze ang bank accounts ng mga sangkot, at siguruhing maibalik ang ninakaw na pondo.