Mariing itinanggi ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang kumakalat na balitang siya ay inaresto sa Schiphol Airport sa Amsterdam, Netherlands.
Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na walang katotohanan ang ulat.
Katunayan, nakabili pa siya ng ticket at may nakatakdang byahe patungong Austria.
“There is no truth to the rumors that I have been arrested. I have a scheduled flight to Vienna, Austria today, November 25.”
Naging usap-usapan ang isyu matapos maglabas ng ulat na umano’y inaresto si Roque sa naturang paliparan.
Dahil dito, mismong si Senate President Tito Sotto ang humingi ng paglilinaw mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa naturang balita.
Ayon sa DFA, wala silang natanggap na kumpirmasyon mula sa kanilang mga opisyal at embahada sa Europa na may kinalaman sa umano’y pag-aresto kay Roque.
Sa kabila ng mga kumakalat na ulat, nanindigan si Roque na siya ay malaya at hindi siya nababahala sa mga plano ng gobyerno ng Pilipinas.
Pero sa panig naman ng Malacanang, hindi ang administrasyon ang nagpapa-aresto kay Roque kundi ang korte, dahil sa mabigat na kasong kinakaharap ng abogado.
















