-- Advertisements --

Nagpasa ang Makabayan bloc ng House Resolution No. 515 upang hilingin sa Kamara na imbestigahan ang umano’y budget insertions na iniuugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang resolusyon ay inihain nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Rep. Renee Co matapos ang mga alegasyon ni dating Congressman Zaldy Co at dating DPWH official Roberto Bernardo.

Hinihiling ng mga mambabatas na ipatawag sina Co, Bernardo, dating House Speaker Martin Romualdez, at dating miyembro ng gabinete na sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin, ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan, at ex-DBM Sec. Amenah Pangandaman upang sagutin ang mga paratang at magsumite ng dokumento.

Matatandaan sa inilabas na video statement ni Co, iniutos umano ng pangulo ang P100 bilyong budget insertions sa 2025 national budget, at personal pa raw siyang nagbigay ng kickbacks sa Pangulo at kay Romualdez, subalit itinanggi ito ni Senador Panfilo Lacson, base na rin sa pahayag ni Bernardo, kung saan may mga opisyal lamang umano ng Palasyo na gumamit sa pangalan ng pangulo.

Giit ng Makabayan, dahil bilyun-bilyong pondo ng bayan ang nakataya, may tungkuling magsagawa ng malalim at komprehensibong imbestigasyon ang Kongreso.

Itinutulak din ng resolusyon na magrekomenda ang mga komite ng mga reporma para ayusin ang sistema sa proseso ng pambansang pondo.