Hinimok ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. ang lahat ng Pilipino na makipag-tulungan sa pamahalaan para maipagpatuloy ang nakamit ng kapayapaan.
Ayon sa kalihim, ito ay isang shared responsibility hindi lamang ng pamahalaan kundi ng lahat ng sektor sa lipunan para maisakatuparan ang nagkakaisang bisyon.
Hinikayat din ng opisyal ang lahat ng Pilipino na pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng kapayapaan para sa bawat isa at kung ano ang magagawa para sa pagsusulong ng kapayapaan, mutual understanding at pagkakaisa.
Gayundin, ang paglahok sa lahat ng mga aktibidad ng OPAPRU kaugnay sa isang buwang selebrasyon.
Ginawa ni Sec. Galvez ang mensahe kasabay ng ika-21 anibersaryo ng pag-obserba sa National Peace Consciousness Month 2025 ngayong Setyembre.
Ang tema ngayong Peace Month ay “Mapayapang Bukas, Abot-Kamay sa Bagong Pilipinas”, bilang pagkilala sa nakamit na kapayapaan at pagdiriwang ng hinaharap na puno ng kapayapaan, pagkakaisa at respeto.
Kasabay din nito, pinatunog ang peace bell bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng Peace Month ngayong Lunes, Setyembre 1.
Matatandaan, idineklara ang buwan ng Setyembre bilang Peace Month sa bisa ng Presidential Proclamation No. 675 noong 2004.
















