Kinumpirma ng Department of Justice na ang pag-iisyu ng ‘warrant of arrest’ laban sa kontratistang si Sarah Discaya ay hindi na manggagaling sa lokal na korte ng Davao Occidental.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang korte sa Lapu-lapu City ng Cebu na ang inaasahang maglalabas ng warrant kontra sa naturang akusado.
Ito aniya’y kasunod ng isasagawang paglilipat ng mga kaso mula sa korte ng Malita, Davao Occidental tungo pa-Visayas sa lokal na korte ng Lapu-lapu, Cebu.
Kasong ‘malversation of public funds through falsification of public documents’ at paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kasalukuyang kinakaharap ni Discaya sa nabanggit na korte.
Ang mga kaso’y nag-ugat sa sinasabing pagkakasangkot nito sa ‘ghost infrastructure project’ sa Davao Occidental pinondohan ng aabot sa halos 100-milyon piso na siyang isinampa laban sa kanya ng Office of the Ombudsman.
Paliwanag ni Justice Spokesperson Martinez, ang paglilipat ng mga kaso ay inisyatibo ng korte kaugnay sa itinalagang mga espesyal na korte na tututok sa mga kasong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Ngunit aminado ang naturang kagawaran na kanilang hindi matitiyak kung kailan lalabas ang arrest warrant kung mapagpasyahan man sapagkat diskresyon umano na ito ng korte.
Bukod sa kasong ‘graft’ at ‘malversation’ na kinakaharap ni Sarah Discaya sa Davao Occidental, siya’y sinampahan rin ng hiwalay nareklamo sa Malabon Prosecutor’s Office ng lokal na pamahalaan ng Malabon.
Iba pa ito sa ilan pang reklamo katulad ng ‘tax evasion’ na inihain naman ng Bureau of Internal Revenue laban sa kanya at kumpanya.















