Itinigil ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang proseso ng decommissioning ng kanilang mga armed fighters ngayong linggo dahil umano sa hindi pagtupad ng gobyerno sa mga kasunduan sa ilalim ng 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Ayon sa MILF, tanging P100,000 lamang ang naibigay sa bawat combatant nito, at wala na umanong iba pang suportang natanggap mula sa gobyerno.
Ngunit agad itong pinabulaanan ng Office for the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (Opapru).
Ayon kay Presidential Assistant David Diciano, hindi dapat ikulong ang usapin sa aspetong pang-ekonomiya lamang dahil ang kasunduan ay malawak ang saklaw.
Paliwanag pa ng Opapru, ang Socioeconomic Package Framework para sa mga MILF combatant ay naaprubahan lamang noong Pebrero 2024, ngunit may mga tulong na umanong naipatupad simula pa noong 2015.
Kabilang dito ang P100,000 transitional cash assistance kada combatant, enrollment sa PhilHealth, P4 billion pondo mula noong 2019 para sa iba pang suporta, skills training, mergency employment, at civil registration.
Mayroon ding binigay umano ang gonyerno na P50,000 kada taon para sa mga estudyante ng bawat combatant na naka-enroll sa kolehiyo.
Dagdag pa ni Diciano, suportado rin ng pamahalaan ang adhikain ng Bangsamoro para sa political autonomy. Patunay dito ang pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at pagbibigay ng kapangyarihan sa MILF bilang gobyerno ng rehiyon.
Binanggit din ni Diciano na ang MILF-led interim government ay na-extend hanggang 2025 upang pamunuan ang BARMM, na nagbibigay ng sapat na panahon, kapangyarihan, at pondo upang maisakatuparan ang tunay na pagbabago sa rehiyon.