Hinamon ni ACT Teachers Partyllist Rep. Antonio Tinio ang Palasyo Malacañang na maging bukas sa tunay na estado ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag, ilang linggo mula noong ma-confine ang pangulo dahil sa kaniyang dinanas na diverticulitis, isang karaniwang uri ng digestive illness.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa mambabatas, hinimok niya ang Palasyo na maging bukas at ipaliwanag sa publiko ang tunay na health condition ni Pang. Marcos dahil tungkulin aniya ito ng Malacañang.
Karapatan din aniya ng publiko na malaman kung ‘fit’ ang pangulo na magpatuloy pa bilang lider ng bansa at kung may kakayahan pa siyang gumawa ng mga desisyon na kaakibat ng kaniyang trabaho bilang pangulo ng bansa.
Giit ni Tinio, dapat ay maging bukas sa publiko ang physical at mental health condition ng pangulo dahil hindi ito saklaw ng kaniyang ‘right to privacy,’ bilang lider ng bansa.
Hinimok din ng Makabayan lawmaker ang Palasyo na huwag itago ang tunay na diagnosis o natuklasan ng mga doktor noong siya ay na-confine ng ilang araw kung saan napansin ng publiko ang pangayayat ng pangulo.
Kung babalikan, gabi noong Enero-21, 2026 ay isinailalim si Pang. Marcos sa medical observation matapos siyang makaranas ng pananakit sa tiyan.
Enero-26 naman noong iniulat ng Malacañang na bumalik na sa normal na trabaho ang lider ng bansa, kasabay ng pagbuti ng kaniyang kondisyon.
















