-- Advertisements --

Tinawag ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na political stunt ang bagong kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Ngayong Biyernes, Disyembre 12, inihain ng ilang civil society at church leaders ang plunder case laban sa pangalawang pangulo dahil sa umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng Office of the Vice President at Department of Education na dati niyang pinamunuan.

Ayon kay PDP Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, itinuturing ng partido ang naging hakbang bilang nakaka-alarma at nakakatawa.

Kung nais talaga ng mga naghain ng kaso na mapanagot ang mga nagnakaw sa pondo ng bayan aniya, dapat ay maging prayoridad nila ang pagnanakaw na pinangungunahan ng Kamara de Representantes.

Ang pagnanakaw umano sa naturang kapulungan ay pinapagana ng Pangulo dahil sa kaniyang pagpayag na maipasa ang budget ng bansa na puno ng insertion, ilan dito ay utos umano ng Presidente.

Una nang nanindigan ang mga church at civil society leader na wala silang ibang layunin sa pagsasampa ng kaso kundi mapanagot ang pangalawang pangulo.