Pinaigting ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang pagpapatupad ng Localized Peace Engagement (LPE) at Transformation Program sa rehiyon ng Bicol.
Kabilang sa mga pinaigting at ang pagtutok sa pagbibigay-tulong para sa mga dating rebelde upang muling makapamuhay ng maayos.
Iminungkahi rin ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. ang pagtaas ng pondo para sa “Payapa at Masaganang Pamayanan” (PAMANA) Program upang mapalawak pa ang mga proyekto sa mga lugar na apektado ng kaguluhan, gaya ng Bicol at Samar.
Ayon pa kay Galvez tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng LPE sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder.
Nabatid na mayroong P705 million ang inilaan ng PAMANA para sa mga imprastrakturang tulad ng mga kalsada, tulay, at sistema ng suplay ng malinis na tubig. Malaki umano ang naitulong nito sa pagpapabuti ng seguridad at kabuhayan sa mga komunidad.
Layunin rin ng programa na mabago ang pananaw ng mga mamamayan, lalo na sa mga liblib na lugar, sa pamamagitan ng edukasyon, pagsasanay, at pagbibigay ng oportunidad sa trabaho.