Hinimok ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU ang mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament na pangalagaan at ipagpatuloy ang mga nakamit sa peace process.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento, mahalagang panindigan ng mga bagong halal na opisyal ang kanilang mga pangako noong kampanya at magtulungan para sa pag-unlad ng mga komunidad sa Bangsamoro.
Ang unang parliamentary elections sa BARMM ay isinagawa noong Setyembre 14, kung saan umabot sa 84.34 percent ang voter turnout 2.3 milyong rehistradong botante, ayon sa Comelec.
Itinuturing ni Sarmiento na milestone ang halalan dahil unang pagkakataon itong lumahok ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa isang eleksyon, bilang bahagi ng transisyon nito mula sa isang revolutionary organization tungo sa demokratikong political movement.
May 80 puwesto ang Bangsamoro Parliament, kabilang ang 40 party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives.
Magsisimula sa Oktubre 30 ang termino ng mga bagong halal na parliament members at tatagal ito ng limang taon hanggang Hunyo 30, 2031.
















