-- Advertisements --

Nangako si Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento na ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng lahat ng natitirang obligasyon ng pamahalaan sa mga nilagdaang kasunduang pangkapayapaan.

Ayon kay Sarmiento, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isulong ang pagkakasundo, palakasin ang transisyon sa Bangsamoro, pabilisin ang kaunlaran, at tapusin ang mga matagal nang peace commitments ng pamahalaan.

Inihayag din ng Kalihim na nakatakdang lagdaan ng gobyerno at ng Cordillera Bodong Administration-Cordillera People’s Liberation Army o CBA-CPLA ang Completion Document na tuluyang tutuldok sa mahigit apat na dekadang peace process sa pagitan ng dalawang panig.

Sinabi ni Sarmiento na magsisilbing opisyal na pagtatapos ng implementasyon ng kasunduan ang dokumento at magbibigay-daan sa mas matatag, mapayapa, at maunlad na Cordillera sa mga susunod na taon.