-- Advertisements --

Tinaasan ng House of Representatives ang pondo para sa sektor ng kalusugan sa ₱411.2 bilyon sa House version ng 2026 General Appropriations Bill (GAB), upang palawakin ang benepisyo ng PhilHealth at ganap na maipatupad ang zero-balance billing para sa mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.

Ayon kay House Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, nagdagdag ang Kamara ng ₱90.8 bilyon sa health budget.
Kabilang dito ang ₱60 bilyong dagdag-subsidya sa PhilHealth, na magdadala sa kabuuang pondo nito sa ₱113 bilyon para sa mas pinalakas na benepisyo.

Naglaan din ang House ng karagdagang ₱25 bilyon para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), na umabot sa ₱49.2 bilyon, upang maisakatuparan ang zero-balance billing sa mga government hospital.

Layon ng pinalakas na health funding na mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga Pilipino at matiyak ang mas abot-kaya at accessible na serbisyong pangkalusugan, habang nagpapatuloy ang bicameral deliberations sa 2026 national budget.