-- Advertisements --

Naniniwala si Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon, co-chair ng House Infrastructure Committee (InfraComm) na dapat magkasamang pagpasyahan ng Kamara de Representantes at Senado ang pagbuwag o pagsuspendi ng imbestigasyon sa umano’y flood control projects.

Ito ay sa gitna ng planong pagbuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang independent probe body na magiimbestiga sa mga kontrobersiyal na proyekto.

Paliwanag pa ni Rep. Ridon na hindi maaaring ang Kamara lang ang umatras o Senado kundi dapat magkasama itong pagdesisyunan ng dalawang kapulungan.

Matatandaan na nauna ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magi-isyu siya ng executive order para sa pagbuo ng isang independent commission na maaaring mangailangan ng forensic investigators, lawyers, justices at prosecutors na sisiyasat sa mga piraso ng ebidensiya sa umano’y maanomaliya at ghost flood control projects.