-- Advertisements --

Suportado ng grupong United Transportation Coalition Philippines ang pagkakatalaga kay Giovanni ‘Banoy’ Lopez bilang bagong kalihim o ‘acting-secretary’ ng Department of Transportation o DOTr.

Ayon kay Atty. John Paul Nabua, tagapagsalita ng koalisyon, aprubado at sang-ayon sila pagkakapili kay Lopez para sa naturang posisyon.

Mainam raw ito sapagkat aniya’y kritikal at mahalaga ang papel nito lalo na sa sektor ng transportasyon.

“Taos-puso naming binabati si Secretary Banoy Lopez sa kanyang nararapat na pagkakatalaga. Nakatrabaho ko siya noong siya’y Undersecretary for Administration at nasaksihan ko ang kanyang propesyonalismo, malalim na kaalaman sa institusyon, at tapat na malasakit sa mga stakeholder,” ani Atty. John Paul Nabua, tagapagsalita ng United Transportation Coalition Philippines.

  • Habang naniniwala naman ang koalisyon na ang mga karanasan ng bagong talagang kalihim ng kagawaran ay makatutulong umano upang maipagpatuloy ang reporma sa sistema ng transportasyon.

Adbokasiya din anila kasi ng grupo na magkaroon ng makabago at mas environment-friendly na pampublikong transportasyon.

Kaya’t pagtitiyak ng United Transportation Coalition ang kanilang kahandaan upang makiisa at makipagtulungan sa DOTr at sa bago nitong kalihim.

“Bilang organisasyong kumakatawan sa mahigit 80,000 TNVS drivers sa buong bansa, handa kaming makipag-ugnayan kay Secretary Lopez sa mga kagyat na isyu ng mga driver, operator, at mananakay. Buo rin ang aming suporta sa pagpapalaganap ng mas maraming electric vehicles, kabilang na ang modernong e-jeepneys, bilang bahagi ng pambansang kampanya tungo sa sustainable mobility,” dagdag pa ni Atty. John Paul Nabua, tagapagsalita ng United Transportation Coalition Philippines.

Ang naturang koalisyon ay binubuo at kumakatawan sa higit 80,000 transport network vehicle service (TNVS) drivers sa buong bansa.