Inaasahang lalampas sa 70 milyong pasahero ang maseserbisyuhan ng EDSA Busway ngayong taon, ayon sa Department of Transportation (DoTr), bunsod ‘yan ng patuloy na rehabilitasyon ng EDSA.
Ayon kay Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez, inaasahang tataas ng 5% hanggang 10% ang ridership dahil sa mga bagong polisiya, programa, at imprastrakturang ipinatutupad ng ahensiya.
Batay sa tala ng DoTr, 66.67 milyong pasahero sa EDSA Busway noong 2025, mas mataas ng 5.79% kumpara noong nakaraang 2024.
Umabot naman sa 321,186 pasahero ang naitalang single-day peak noong Abril, habang nitong Disyembre naitala ang 6.53 milyon na buwanang bilang.
Kasabay ng rehabilitasyon ang pagpapalawak ng EDSA Busway, kung saan tatlong bagong istasyon sa Cubao, Magallanes, at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang sisimulan ang konstruksyon sa unang quarter ng taon. Target namang matapos ang mga ito sa ikaapat na quarter.
Sa kasalukuyan, may 21 istasyon ang EDSA Busway na tumatakbo nang 24/7 sa kahabaan ng pangunahing lansangan dito sa Metro Manila.
















