PBBM, BUMISITA SA BOHOL NGAYONG ARAW PARA PANGUNAHAN ANG ILANG AKTIBIDAD
Unread post by STARFMCEBUNEWS » Fri Sep 05, 2025 4:12 pm
PBBM, BUMISITA SA BOHOL NGAYONG ARAW PARA PANGUNAHAN ANG ILANG AKTIBIDAD
Pinangunahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang ilang aktibidad ngayong araw, Setyembre 5, sa Bohol kasabay ng kanyang pagbisita sa lalawigan.
Kabilang dito ang inagurasyon ng Small Reservoir Irrigation Project sa bayan ng Calape, paglulunsad ng P20 rice program sa bayan ng Bien Unido, at pag-inspeksyon sa caravan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) sa bayan ng Calape.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang naturang irigasyon ay naglalayon na magbigay ng isang mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng tubig sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang zoned earthfill dam, kasama ang mga kaugnay nitong istruktura, canal lining at canal system.
Ayon sa Pangulo, inaasahang magpapatubig ang nasabing irigasyon ng humigit-kumulang 300 ektarya ng lupang pang-agrikultura, na makikinabangan ng nasa humigit-kumulang 400 magsasaka sa ilalim ng Bakinayao Farmers Irrigators Association.
Muling ipinangako ng punong-ehekutibo na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay palakasin pa nito ang sektor ng agrikultura at pagtiyak ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Sa mas mahusay na irigasyon, mas mapapabuti pa umano ng mga magsasaka ang ani at kabuhayan kaya naman pinasalamatan niya ang mga ito sa patuloy na pagsusuplay ng pagkain at pagpapataas ng produksyon.