-- Advertisements --

Nagtalaga na si Department of Trade and Industry Secretary Cristina Roque ng mga bagong acting official ng attached agencies nito na Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) at Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Ayon sa kalihim, itinalaga si Doris Gacho bilang acting executive director ng CIAP habang si engineer Sergie Retome ay uupong active executive director ng PCAB.

Mananatili ang dalawa sa naturang posisyon hanggang may maitalaga ng permanenteng papalit.

Sinabi ng kalihim na ang pagtatalaga kina Gacho at Retome ay titiyak sa pagpapatuloy ng mga operasyon sa kasagsagan ng balasahan at paglilinis sa parehong tanggapan.

Inihayag din ng opisyal na nasa proseso na sila ng pagrekomenda ng bagong mga miyembro ng PCAB.

Nauna na ngang nagbitiw bilang PCAB executive director si Herbert Matienzo noong Setyembre 3 dahil sa personal na kadahilanan. Habang bumaba naman sa pwesto si PCAB board member Erni Baggao dahil sa personal at health reasons at nagpaso naman na ang termino ng isa pang board member na si Arthur Escalante.

Matatandaan na nauna ng kinuwestyon ang integridad ng tatlo bilang opisyal at miyembro ng PCAB kasunod ng pagkakadawit ng board sa alegasyon kaugnay sa umano’y pag-acredit sa mga construction firm kapalit ng pera may kaugnayan sa flood control projects.

Nagbunsod naman ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ipag-utos ang “sweeping revamp” sa PCAB.