Nakakuha ang Pilipinas ng mahigit ₱51 bilyong investment mula sa mga kompanya ng Japan, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Kabilang na dito ang ₱34 bilyon mula sa Koshidaka Holdings, operator ng pinakamalaking karaoke chain sa mundo, na magbubukas ng 300 Karaoke Manekineko outlets sa bansa at lilikha ng 1,500 trabaho simula sa 2026.
Mag-iinvest din ang Marubeni Corporation ng ₱15 bilyon para sa real estate, fintech at healthcare, habang maglalagak ng ₱2 hanggang ₱3 bilyon ang Sojitz Corporation para makahikayat ng AI, semiconductor, software, at healthcare firms.
Target naman ng Mitsui & Co. ang renewable energy at malalaking imprastruktura gaya ng pantalan, terminals, at transport systems.
Tiniyak naman ni Trade Secretary Cristina Roque na magtutulungan ang economic team para masigurong makakalikha ang naturang mga proyekto ng mga dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.