-- Advertisements --

Bumuo na ang Department of Trade and Industry (DTI) ng isang fact-finding team upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa attached agency nito na Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) na sinisiyasat may kinalaman sa maanomaliyang flood control projects.

Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, ang naturang hakbang ay tugon sa mga ulat ng conflict of interest, iregularidad sa accreditation at posibleng pag-abuso sa kapangyarihan sa loob ng board.

Inanunsyo din ng kalihim na rerepasuhin ng DTI ang kilos at desisyon ng mga kasalukuyang opisyal ng PCAB, at magrerekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng nararapat na aksyon kabilang ang posibilidad ng pagtanggal sa kanila mula sa board.

Ayon kay Sec. Roque, ang imbestigasyong ito ay bahagi ng kanilang layunin na tiyakin ang pananagutan at transparency sa serbisyo publiko.Wala din aniyang sinuman ang ligtas kung mapatunayang nalabag nila ang tiwala ng publiko.

Dagdag pa ng kalihim, bahagi ito ng mas malawak na mandato ng DTI na protektahan ang interes ng mga stakeholders at mamimili sa sektor ng konstruksyon.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ng chairman nito na si Sen. Rodante Marcoleta nitong Lunes, kinuwestyon ng isa sa Vice chair ng komite na si Sen. Raffy Tulfo ang kredibilidad ng PCAB na magsagawa ng imbestigasyon sa mga contractor dahil sila mismong board of directors ay mga kontratista o may kontrata sa gobyerno.

Iginiit naman ni Sen. Marcoleta na kailangang mabusisi ang conflict of interest sa tatlong board directors dahil sila ang nagreregulate sa contractors.

Matatandaan, noong Agosto 29, ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na posibleng may conflict of interest sa dalawang miyembro ng PCAB na sina Engineer Erni Baggao at Engr. Arthur Escalante. Ayon kay Lacson, parehong nanalo ang kanilang mga kompaniya ng mga kontrata ng gobyerno na paglabag sa Republic Act 6713.

Si Baggao, na naitalaga sa PCAB noong 2023, ay may-ari at presidene ng EGB Construction Corporation, ang pang-limang contractor na nakapagbulsa ng pinamalaking halaga ng flood control projects.

Sinabi din ni Lacson na dapat imbestigahan ang PCAB dahil sa “accreditation for sale” modus, bagay na nauna ng itinanggi naman ng board.

Samantala, inanunsyo ng bagong talagang kalihim ng DPWH na si Secretary Vince Dizon na magkakaroon ng malawakang reporma sa PCAB, kasabay ng imbestigasyon sa flood control projects sa bansa.