Itinanggi ng kampo ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer Brice Hernandez ang ulat na recantation o pagbawi niya ng kanyang testimonya kaugnay ng maanomaliyang flood control projects.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ernest Levanza, hindi totoo ang sinasabing recantation at kanilang lilinawin umano ang isyu sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Enero 19.
Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson, chair ng Blue Ribbon Committee, na tatalakayin ang usapin at nagbabala na ang sinumang babawi ng testimonya ay maaaring managot sa perjury dahil isinumpa ang mga pahayag.
Nilinaw din ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na affidavit mula kay dating DPWH District Engineer Henry Alcantara na nagbababawi ng kanyang testimonya.
Ayon sa ahensiya, wala ring nakasaad sa kanyang counter-affidavits na binabawi niya ang kaniyang mga naunang pahayag, bagamat dati na niyang itinanggi ang pagkakasangkot sa ghost flood control projects.
















