-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbabantay sa presyo at supply ng mga basic goods ngayong panahon ng tag-ulan at mga kalamidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay DTI Sec. Cristina Roque, mula noong ideklara ng state weather bureau ang pagpasok ng rainy season ay binabantayan na ng ahensiya ang supply ng mga basic goods na maaaring maapektuhan sa serye ng mga pag-ulan.

Kailangang masiguro aniya na akma pa rin ang presyo ng mga ito at hindi gamitin ng mga negosyante ang serye ng pag-ulan bilang dahilan upang magtaas ng presyo.

Kasabay din ng inaasahang pagpasok ng mga bagyo sa bansa, mananatili aniya ang DTI na susubaybay sa mga basic goods na ibinebenta sa mga merkado.

Pangunahing susubaybayan ang mga lugar na posibleng ideklara sa ilalim ng state of calamity dahil sa malalakas na bagyo at iba pang kalamidad.

Una nang kinumpirma ng kalihim na walang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa kasalukuyan, sa kabila ng magkakasunod na bigtime oil price hike.

Maging ang mga de-lata ay hindi rin nagtaas ng presyo sa kabila ng naunang kahilingan ng mga manufacturer.