Pinag-iingat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko, lalo na ang mga namimili sa online, laban sa mga manloloko o scammer na aktibo ngayong panahon ng “ber months.”
Nagpaalala ang DTI dahil karaniwang dumarami ang mga transaksyon online tuwing papalapit ang Pasko, kaya naman oportunidad ito para sa mga mapagsamantala.
Binigyang-diin ng DTI na mahalaga na maging alisto at mapanuri ang mga mamimili sa online upang maiwasan ang mabiktima ng mga scam.
Ayon sa DTI, dapat na maging pamilyar ang isang customer sa mga “red flag” o mga palatandaan na posibleng scam ang isang online seller bago pa man magdesisyon na mag-add-to-cart at i-check out ang kanilang mga bibilhin.
Ang pagiging mapanuri ay makakatulong upang protektahan ang sarili mula sa mga hindi lehitimong negosyante.
Kabilang sa mga red flag o indikasyon na posibleng scam ang isang ibinebenta online ay kung walang malinaw na presyo at detalyadong description sa produkto.
Dapat magduda kung ang isang produkto ay walang sapat na impormasyon tungkol sa kung ano ito, magkano ito, at ano ang mga katangian nito.
Isang malaking red flag din kung ang presyo ng isang produkto ay sobrang baba, na maituturing na “too good to be true.”
Isa rin sa mga palatandaan na posibleng scam ang online seller, kung wala itong DTI o Bureau of Internal Revenue (BIR) o Securities and Exchange Commission (SEC) registration o kahit ano mang impormasyon ng official store nito. Ang isang lehitimong negosyo ay dapat rehistrado sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.