Walang na-monitor ang Department of Trade and Industry (DTI) na pagtaas sa presyo ng school supplies sa gitna ng mataas na demand kasabay ng muling pagbubukas ng klase ngayong Lunes, Hunyo 16.
Ayon Kay DTI Sec. Ma. Cristina Roque, ito ay base na rin sa isinagawa ng ahensiya na price monitoring sa mga nagtitinda ng school supplies.
Saad ng kalihim wala ding inisyuhan ng warnings dahil sumunod naman ang mga vendor sa itinakdang price guide ng ahensiya para sa school supplies.
Nitong Linggo, June 15, personal mismo na nagtungo ang kalihim sa mga tindahan ng school supplies at bookstore sa lungsod ng Maynila para sa price monitoring.
Samantala, sa kabila ng mataas na demand sa school supplies, tiniyak ng ilang tindera na mayroong sapat na suplay ng mga gamit sa eskwela.