Pinawi ng Deparment of Trade and Industry (DTI) ang pangamba ng publiko kaugnay ng posibleng paggalaw sa presyo ng mga bilihin.
Ito ay sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis sa sunod na linggo bunsod ng panibagong tensiyon sa pagitan ng US at Iran.
Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, walang magiging pagtaas sa presyo ng basic commodities at prime commodities sa ngayon.
Aniya, walang mga petisyon mula sa manufacturers para sa price adjustments.
Inihayag naman ng kalihim na mahirap na mag-especulate sa ngayon kayat mas mainam na antayin na lamang ang magiging development hinggil dito.
Matatandaang noong unang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Iran at Amerika, nagresulta ito sa pagsipa ng mga presyo ng langis kasunod ng mga pag-atake at closure sa Strait of Hormuz na kritikal na daanan ng mga barkong nagdadala ng langis. Naramdaman ang epekto nito sa mga ibinabiyaheng produkto dahilan kayat pinangangambahan nanaman ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin sa panibagong tensiyon sa Middle East.














