-- Advertisements --

Asahan umano na magpapatupad ng taas-presyo sa ilang pangunahing bilihin matapos ang Abril 16.

Paliwanag ni DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque na walang magiging pagtaas sa presyo ng basic commodities at prime commodities (BNPC) hanggang sa Abril 16, subalit pagkatapos aniya nito, asahan na ilang mga bilihin ang magtataas ang presyo bagamat hindi lahat.

May ilang manufacturers ng BNPC ang wala pang inaanunsiyong price increase hanggang sa katapusan ng Abril, subalit iaanunsiyo aniya ng kalihim sakali mang magpapatupad ang mga ito ng umento sa presyo bago ang Abril 16.

Kinumpirma naman ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association president Steven Cua, ang nakaambang pagtaas ng presyo sa grocery items sa Abril 17.

Subalit, pinawi niya ang pangamba ng publiko at sinabing walang dahilan para mag-panic dahil hindi ganoong kalaki ang epekto ng pagtaas.

Aniya, ipatutupad ng mga manufacturer ang umento sa presyo nang may pag-iingat upang hindi mawalan ng mga kustomer, na kasalukuyan nang naghihirap bago pa man tumama ang krisis sa langis.