KALIBO, Aklan—Suportado ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang naging hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. partikular ang pagbulgar sa malawakang korapsyon at anomaliya sa flood control projects at iba pang imprastraktura sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan, matapang na isiniwalat ng Pangulo ang 15 kontratistang nakakuha ng bilyon-bilyong pondo para sa mga proyekto ng pamahalaan na kalaunan ay natuklasang ghost projects pala.
Sa ilalim ng pamumuno ni DPWH Sec. Vince Dizon, umaasa si Pangilinan na mabigyang hustisya ang taumbayan na mapasagot at maparusahan ang mga opisyal ng ahensya at contractors na nagbulsa sa pondo mula sa kaban ng bayan.
Hindi lamang aniya mga kontratista ang dapat managot kundi maging ang mga pulitiko na nagbigay ng permiso at tapang ng loob sa mga opisyal ng ahensya na nagtulak sa mga ito na mangurakot sa pondo ng proyekto na nakatakda sana para sa publiko.
Dagdag pa ni Pangilinan, nakakagalit malaman sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee mula sa ilang kontratista na namumuhay ang mga ito sa marangyang pamumuhay habang ang mga ordinaryong tax payers ay lubog sa baha at kailangan pang lumusong sa hanggang beywang na baha makapasok lamang sa trabaho sa tuwing may masamang panahon gaya ng bagyo na nagdudulot ng mga malalakas na pag-ulan.
Hangad ng Senador na mauwi sa plunder case ang paghalungkat sa malawakang korapsyon at ang nagpapatuloy na imbestigasyon.