Hihigpitan ng National Police Commission (Napolcom) ang screening sa pag-recruit ng mga pulis matapos madiskubreng karamihan sa mga sangkot sa administrative complaints ay mga bagitong pulis.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, naobserbahan na mayorya ng mahigit 4,000 backlog cases na hawak ng ahensiya ay sangkot ang mga bagong police officer.
Nakapokus naman ang isasagawang mga reporma sa dalawang aspeto kabilang ang pagpapalakas ng legal education sa criminology schools at gagawing mas mahigpit pa ang neuro-psychiatric examination.
Inamin ng Napolcom official na maraming police officers ang walang mastery of law na mahalaga sa kanilang trabaho.
Karamihan aniya sa kanilang police officers ay criminologists, subalit hindi nila alam ang mga exception sa warrantless arrests, na mapanganib aniya kayat dapat na malaman nila ang batas.
Sa ngayon, pinapalawig na ng Napolcom ang kasunduan nito sa Integrated Bar of the Philippines para makapag-bigay ng in-person workshops at legal aid sa mga aktibong police members sa layuning mapigilan ang minor procedural lapses sa police operations na karaniwang nauuwi sa pagkakabasura ng kaso.
















