-- Advertisements --

Bumuwelta ang Palawan Provincial Board sa kontrobersyal na pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na ‘i-give up’ na lamang ang Kalayaan Island Group (KIG).

Sa priviledge speech ni Palawan Board Member Ryan Maminta, nanindigan siyang may gumaganang lokal na pamahalaan ang munisipalidad ng Kalayaan, may klinika, may paaralan, opisina ng Commission on Elections, at iba pang mahahalagang pasilidad ng gobiyerno.

Mahigit 400 sibilyan aniya ang mapayapang naninirahan dito, kasama ang kani-kanilang mga pamilya, kung saan karamihan ay nagtatrabaho bilang mga mangingisda.

Mayroon din aniya itong security forces, sa tulong ng mga sundalo na idineploy ng Armed Forces of the Philippines sa kanilang mga ginawang military outpost.

Giit ni Maminta, hindi ito isang kathang-isip lamang.

Tanong pa ni Board Member Maminta, kung isusuko ang Kalayaan Island Group dahil sa takot sa nangyayaring tensyon sa West Philippine Sea, anong pipigil sa ibang mga bansa na tuluyang angkinin ang buong probinsiya ng Palawan at iba pang mga isla sa hinaharap?

Tiyak aniyang tuloy-tuloy na itong gagawin ng sinumang bansa na aangkin sa KIG, sakaling abandonahin na ito ng pamahalaan ng Pilipinas.

Matapang na pinanindigan ng Palawan local lawmaker ang lubos na pagtutol at pagkondena sa kontrobersyal na pahayag ni Marcoleta, ilang araw na ang nakakalipas.

Maliban kay Board member Maminta, ilang pang miyembro ng lupon ng Palawan ang naglabas din ng halos kahalintulad na pagkondena, kabilang na ang kanilang presiding officer.