-- Advertisements --

Umaasa ang Center for People Empowerment in Government (CenPEG) na hindi lamang basta malulunod sa iba pang kontrobersiya ang ang imbestigasyon sa mga palpak na flood control project sa bansa.

Ayon kay CenPEG Senior Fellow Prof. Emmanuel Leyco, kailangang masustine ang galit ng publiko laban sa naturang anomalya, at makibahagi sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Huwag aniyang hayaan ng publiko na matatabunan lamang ito ng mga bagong isyu at sa halip ay siguruhing mababantayan ang lahat ng lalabas na impormasyon sa mga serye ng imbestigasyon na isinasagawa ng Kamara at Senado.

Umaasa rin ang propesor na sa kabila ng lawak ng saklaw ng naturang isyu ay magagawa ng Kongreso na buksan ang lahat ng sinasaklaw nitong anomalya, mula sa inilabas na pondo ng Department of Budget and Management (DBM) hanggang sa kung sino ang mga nakunabang sa naturang budget.

Inisa-isa ng grupo ang dapat ay maging bahagi ng imbestigasyon.

Una, kailangan aniyang mapuntahan ang bawat proyektong pinondohan ng gobiyerno at tuluyin kung mayroong naitayong proyekto o isa lamang itong ghost project.

Pangalawa, kailangang matukoy kung pasok sa standard ang mga naturang proyekto, batay sa nakapaloob sa project description, specification, cost analysis, at kabuuang plano ng proyekto.

Kung matukoy ang mga naturang proyekto na hindi pumasa sa standard, ghost project, overpriced, o may kaakibat na anomalya, dapat aniyang matunton ang lahat ng mga posibleng nakinabang, mula sa mga mambabatas, local officials, at mga contractor.

Ayon kay Prof. Leyco, lahat ng mga naturang salik ay kailangang mabantayan kahit pa matapos na ang congressional hearing, bilang bahagi ng pagpapanagot sa public officials.