-- Advertisements --

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Budget ang Management (DBM) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng sweeping review sa budget ng ahensiya para sa fiscal year 2026.

Ang direktiba ng pangulo ay bunsod sa isinawalat nina Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Representative Marcelino Teodoro na mayruong mga kwestiyunableng programa ang naisingit sa 2026 national budget.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, pinasisiguro ng Pangulo na ang mga kwestiyunableng insertions sa pambansang budget ay tatanggalin sa pamamagitan ng errata.

Nais din ng Pangulo na ang mga gagawing pagbabago sa 2026 budget ng DPWH ay masiguro ang transparency at accountability.

Pinatitiyak din ng Pangulo na ang mga proyektong nakapaloob sa 2026 national budget ay talagang mapapakinabangan ng taongbayan.

Kumpiyansa naman si Castro na magagawa  nina Budget Secretary Amenah Pangandaman at DPWH Secretary Vince Dizon ang agarang pag rebyu sa budget ng ahensiya lalo at nagsisimula na ang budget deliberation ng House Appropriations Committee.