-- Advertisements --

Tinawag ng abogado ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, na si Atty. Ruy Rondain, bilang “imbento” ang alegasyon ni Interior Sec. Jonvic Remulla na nagkamkam si Co ng bilyun-bilyon sa cryptocurrency sa ibang bansa at nagtayo ng mansyon sa Forbes Park na may hanggang limang basement para itago ang pera.

Ayon kay Atty. Rondain, ang basement ay split-type at para sa sasakyan lamang, alinsunod sa regulasyon ng village, at walang ebidensya na ginagamit ito bilang imbakan ng pera.

Hinamon niya si Remulla na tukuyin ang source ng naturang impormasyon.

Matatandaan, nitong Martes, sinabi ni Sec. Remulla sa mga kawani ng media na napapatayo umano ang nagbitiw na mambabatas ng 5 palapag na basement sa kaniyang bahay sa Forbes Park subalit natigil umano ang konstruksiyon nang pumutok ng iskandalo sa anomaliya sa flood control projects noong Agosto.

Kung maaalala, nagbitiw si Co noong Setyembre matapos masangkot ang kanyang kumpanya na Sunwest Corp., sa umano’y ghost at substandard flood control projects sa Oriental Mindoro. May arrest warrants na inilabas laban sa kanya at sa ilang opisyal, at sinimulan na ng gobyerno ang proseso para ikansela ang kanyang pasaporte.

Kasama rin siya at si dating House Speaker Martin Romualdez sa kaso ng umano’y bilyon-bilyong insertions sa 2025 national budget.