-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang paghihigpit ng visa requirements sa mga Chinese national ang dahilan ng pagbaba ng mga turista mula China.

Ito ay matapos sabihin ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco sa budget hearing ng House Committee on Approprations sa 2026 proposed budget ng ahensiya na bumaba ang Chinese tourist arrivals noong nakalipas na taon dahil sa mas mahigpit na visa requirements at suspensiyon ng electronic visa program.

Paliwanag ni DFA spokesperson Angelica Escalona na layunin ng visa requirements na masigurong lehitimo ang mga biyaherong bibisita sa ating bansa at hindi aniya nito intensiyon na pagbawalang makapasok sa bansa ang mga lehitimong biyahero na nabigyan ng visa.

Sa kabila nito, kaisa aniya ang DFA ng DOT sa pagpapahusay pa ng tourist arrivals sa bansa at pagpapalakas ng industriya ng turismo, kayat ipagpapatuloy ng Foreign Service Posts ang pagsusulong pa ng mga aktibidad sa turismo.

Nauna na ngang inilunsad ng DFA ang e-visa program para sa Chinese nationals para hindi na kailangang mag-isyu ng regular visa, subalit sinuspendi ang programa sa gitna ng diplomatic tensions sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa isyu sa West Philippine Sea at pagkaaresto ng Chinese nationals na sangkot sa mga kimen kabilang na sa iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).