Nanawagan si Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatigil ang planong e-visa para sa mga turistang Chinese na inilunsad ng embahada ng Pilipinas sa Beijing.
Sinabi ni Rodriguez na mariin nitong tinututulan ang plano ni Ambassador Jaime FlorCruz.
Ayon kay Rodriguez, banta sa seguridad ng bansa ang patuloy na pagdagsa ng mga Chinese nationals, dahil marami sa kanila ay sangkot sa paniniktik, kidnapping-for-ransom, ilegal na sugal, at iba pang krimen.
Kamakailan lamang, may mga Chinese spy na nahuling nagmamanman sa mga kampo-militar at ahensya ng gobyerno.
Bagama’t sinabing layunin ng e-visa na gawing mas madali ang pagbisita ng mga Chinese sa Pilipinas, iginiit ni Rodriguez na kailangan ng mas mahigpit na proseso kabilang ang personal na interbyu at masusing pagsusuri ng dokumento upang mapigilan ang pagpasok ng mga espiya at kriminal.
Aniya, taliwas ito sa matatag na posisyon ni Pangulong Marcos laban sa agresyon ng China sa West Philippine Sea.
Giit ng Kongresista na ang hakbang ni FlorCruz ay nagpapakita ng kahinaan at pinapahina ang ating tindig.
Hinimok din ni Rodriguez si FlorCruz na mas buo at malinaw na ipaglaban ang interes ng bansa, sa halip na unahin ang kaginhawaan ng mga Chinese.
Dagdag pa ng mambabatas, dapat paigtingin ang paghahanap sa libo-libong illegal Chinese POGO workers at kriminal na nananatili sa bansa.
Binanggit ni Rodriguez ang pagkaka-aresto ng 12 Chinese sa Tacloban at ulat na may hanggang 10,000 Chinese POGO workers pa ang nasa Pilipinas.