Umakyat na sa 75 ang kumpirmadong bilang ng nasawi sa tumamang malakas na magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) deputy administrator ASec. Bernardo Alejandro IV, susuriin din ng ahensiya kung may mga napaulat na binawian ng buhay mula sa magnitude 6.0 na aftershock kaninang ala-1:06 ng madaling araw ngayong Lunes, Oktubre 13.
Aabot naman na sa 600 ang naitalang nasugatan.
Sa ngayon, ayon sa OCD official, pumapalo na sa halos 11,000 ang aftershocks na naitala mula sa magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City.
Base sa pinakahuling datos ng NDRRMC, mahigit 3,500 indibidwal o mahigit 800 pamilya pa rin ang nananatili sa evacuation centers habang ang ilan naman ay nanunuluyan pansamantala sa ibang lugar.
Kasalukuyan pa ring nakasailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Cebu.