Limang araw matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol, aminado ang ilang residente ng Bogo City, Cebu na patuloy pa rin silang nababalot ng kaba dahil sa walang humpay na aftershocks.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Rolando Vildosola Jr., sinabi nitong marami pa rin ang mas pinipiling manatili sa labas ng kanilang mga tahanan dahil sa pangamba, kahit na ligtas naman ang estruktura ng kanilang mga bahay.
Mas pinili umano ng kanilang pamilya na huwag isugal ang kaligtasan sa gitna ng patuloy na paggalaw ng lupa at mga tunog na naririnig mula sa mga pader tuwing may aftershocks.
Ibinahagi rin ni Vildosola na nakatanggap sila ng maraming relief goods — isang malaking tulong para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Gayunman, nananatiling malaking hamon ang suplay ng tubig na mainom, lalo na para sa paghuhugas at iba pang gamit sa bahay.
May balon naman umano malapit sa kanila kaya lang, tila kending nahulog at dinumog ng maraming langgam dahil sa dami ng taong nag-igib kada araw.
Aniya, malaking ginhawa naman ang pagbabalik ng kuryente kamakailan, matapos ang mga unang araw ng pagdepende sa flashlight at solar lamp.
Bagamat sanay na umano ang lungsod sa mga bagyo, ibang-iba ang naging epekto ng lindol — hindi lang sa mga ari-arian kundi maging sa emosyonal na kalagayan ng mga tao.
Samantala, nagpaabot naman ito ng pasasalamat sa mga pribadong sektor at lokal na pamahalaan na nagpaabot ng tulong, hindi lang sa Bogo City kundi maging sa mga karatig-lugar na naapektuhan rin ng lindol.
Nanawagan din ito sa mga kapwa residente ng lungsod na manatiling matatag at magkaisa sa pagbangon mula sa kalamidad.