-- Advertisements --

Hinikayat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga mamamayan sa Metro Manila at mga katabing probinsya na lawakan pa ang paghahanda para sa ‘The Big One’.

Ang Big One ay ang lindol na pinangangambahang mangyayari sa Mega Manila dahil sa paggalaw ng West Valley Fault.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, malaki ang posibilidad na magdulot ng mas maraming casualties ang naturang lindol kumpara sa magnitude 6.9 Cebu quake.

Ito ay dahil na rin sa lawak ng sinasaklaw ng West Valley Fault, malaking bilang ng populasyon sa Mega Manila, at ang malalaking gusali sa halos lahat ng bahagi ng capital region at katabing probinsya.

Batay sa isang pag-aaral na isinagawa nitong 2024, kung mangyari aniya ang magnitude 7.2 dahil sa naturang fault, posibleng aabot sa 33,000 katao ang masasawi.

Kung aabot lamang sa magnitude 6.5, maaaring aabot sa 23,000 ang casualties.

Kung aabot sa magnitude 6.9 tulad ng nangyari sa Cebu, maaari aniyang aabot sa pagitan ng 23,000 hanggang 33,000 ang bilang ng casualties.