Nakapagtala na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng kabuuang 9,108 aftershocks base sa datos ngayong Miyerkules, Oktubre 8 kasunod ng tumamang malakas na lindol sa Cebu.
Ayon kay Phivolcs Dr. Teresito Bacolcol, tanging nasa 38 aftershocks ang naramdaman, na may lakas na pumapalo mula magnitude 1.0 hanggang 5.1.
Pinakamalakas pa rin aniya na naitalang aftershock ay magnitude 5.1 noong Oktubre 3.
Bagamat ayon sa ahensiya, bumababa na ang dalas o bilang ng naitatalang aftershocks kada araw.
Nauna nang nag-abiso ang ahensiya sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol na komonsulta muna sa mga eksperto bago bumalik sa kanilang mga tahanan para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong araw, nananatili sa 72 ang bilang ng mga nasawi sa mapaminsalang lindol.