Ibinunyag ng isang koalisyon ng civil society organizations at budget watchdogs na naglalaman ng P230 billion pork barrel ang bersiyon ng Kamara de Representantes sa panukalang pondo para sa 2026.
Kaugnay nito, nanawagan ang koalisyon sa Kongreso na i-reallocate ang buong halaga sa mga programa para sa social protection, health, agriculture at sustainable transportation.
Sa open letter ng koalisyon, iginiit nila ang kanilang pagtutol na hayaang maging playground ng patronage at korapsiyon ang General Appropriations Act. Kayat hinimok ng mga ito ang Kongreso na itama ang pondo, linisin ito at panumbalikin ang integridad ng budget process para tunay na matugunan ang mga pangangailangan ng bansa.
Kabilang sa mga signatories dito ay ang ilang dating mambabatas at religious leader na sina Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, dating Sen. Franklin Drilon at ang People’s Budget Coalition, PH Budget Watch, Roundtable for Inclusive Development, Move as One Coalition, FOI Youth Initiative, at Project Gunita.
Karamihan sa mga nabanggit na grupo ay nabigyan ng observer status ng Kamara para sa 2026 budget process upang gawing transparent ang paghimay ng panukalang pondo.