-- Advertisements --

Bukas ang Malakanyang na isabay sa imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects ang iba pang kwestyonableng proyekto ng gobyerno.

Pahayag ito ng Palasyo sa gitna ng ulat na mayroong ‘haunted hospitals’ ang Department of Health habang extremely overpriced naman umano ang mga farm-to-market roads ng Department of Agriculture.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na lahat ng maanomalyang proyektong pang-imprastraktura ay maaaring imbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure.

Kaya kung mayroon anyang mga dokumento ay maaaring ibigay agad sa ICI para maipatawag ang mga sangkot.

Una rito, naghain ng resolusyon si Rep. Leila De Lima na nagpapa-imbestiga sa umano’y pag-aaksaya ng pondo ng DOH na nagresulta sa abandonado o hindi kumpleto at non-operational hospitals, health centers, at mga katulad na pasilidad.

Ibinunyag naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na higit P10 bilyon ang naluging pondo ng gobyerno dahil sa umano’y overpricing ng farm-to-market road projects ng DA mula 2023 hanggang 2024.