Pormal nang tinanggap ni Luis Antonio Cardinal Tagle ang kanyang Titular Diocese, ang Suburbicarian See of Albano, sa isang solemne seremonya sa Albano, Italy nitong Linggo ng umaga (Sabado ng gabi sa Italya).
Sa pamamagitan ng isang Papal Bull mula kay Pope Leo XIV, ipinahayag ng Santo Papa ang pagtatalaga kay Cardinal Tagle, bilang pagkilala sa kanyang katalinuhan, katapatan, at masigasig na paglilingkod bilang Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization.
Nabatid na ang Albano ay isa sa pitong sinaunang suburbicarian dioceses sa paligid ng Roma na karaniwang inilalaan sa mga Cardinal Bishops, ang pinakamataas na ranggo sa College of Cardinals.
Present sa naging seremonya ang lokal na obispo ng Albano na si Bishop Vincenzo Viva, mga pari, at miyembro ng Filipino community sa Roma.
Ayon sa Pontificio Collegio Filippino, tatlong obispo, dalawang kardinal, at mahigit isandaan na pari ang dumalo sa Misa.
Ang pagtatalaga kay Cardinal Tagle ay naganap matapos mabakante ang puwesto nang italaga si Cardinal Robert Prevost bilang Pope Leo XIV noong Mayo. Pormal na ipinagkaloob kay Tagle ang Albano noong Mayo 24, bilang kahalili ng kasalukuyang Santo Papa sa titulong ito.
Magugunitang si Cardinal Tagle ay unang ginawang Cardinal Bishop ni Pope Francis noong 2020.