-- Advertisements --

Ikinalugod ng isang mambabatas ang tuluyang pagsasabatas ng Republic Act No. 12287, na kilala rin bilang Declaration of State of Imminent Disaster Act na inaasahang makatutulong sa paghahanda ng bansa laban sa mga sakuna.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, ang batas na ito ay may malaking kahalagahan dahil nagbibigay ito ng kapangyarihan at mandato sa pamahalaang nasyonal at sa mga lokal na pamahalaan na agarang makakilos at gumawa ng mga hakbang bago pa man dumating at manalasa ang isang kalamidad, sa halip na maghintay at umasa lamang sa mga tugon at ayuda pagkatapos na mangyari at maranasan ang matinding pinsala.

Sa ilalim ng mga probisyon ng RA 12287, ang Pangulo ng Pilipinas ay may kapangyarihang magdeklara ng State of Imminent Disaster sa mga lugar na lubhang nanganganib na maapektuhan ng kalamidad, batay sa pormal na rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Bukod dito, pinapayagan din ang mga lokal na opisyal, tulad ng mga gobernador at mayor, na magdeklara ng State of Imminent Disaster sa kanilang mga nasasakupan, depende sa laki ng banta.

Giit ni Rodriguez, ang pagpasa ng batas na ito ay napapanahon at kinakailangan lalo na para sa rehiyon ng Mindanao, na madalas na nakararanas at tinatamaan ng matitinding bagyo, malawakang pagbaha, at iba pang uri ng kalamidad.

Kasabay nito, nanawagan si Rodriguez sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na agarang mailabas at ipatupad ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas upang matiyak ang mabilis at epektibong pagpapatupad nito.