Muling bubuksan ang aplikasyon ng electronic visa (e-visa) para sa mga Chinese na bibista sa Pilipinas sa Nobiyembre.
Sa isang statement, inanunsiyo ng Philippine Embassy sa Beijing na ang mga Chinese applicant na bibisita sa bansa para sa turismo o di naman kaya’y para sa negosyo ay maaaring mag-apply para sa eVisa kung mananatili sa bansa ng hindi lalagpas sa 14 na araw at dapat na ang point of entry ay sa mga paliparan tulad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) o Mactan-Cebu International Airport.
Sakali man na mananatili sa bansa ng lagpas sa dalawang linggo, maaaring mag-apply para sa conventional visa sa pinakamalapit na Visa Application Centers na bubuksan sa Beijing, Chongqing, Fuzhou, Guangzhou, Hong Kong, at Shanghai.
Para sa pagsusumite ng mga requirements, nakatakdang maglabas ang Embahada ng Pilipinas ng mga detalye sa e-Visa kabilang ang kaugnay na website at procedures.
Matatandaan una ng sinuspendi ng Pilipinas ang pag-isyu ng e-Visas sa mga turistang Chinese para mapigilan ang pagdami ng illegal online gaming workers sa bansa kasunod ng mga nabunyag na krimen kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na nauwi sa pagkakaaresto ng maraming Chinese nationals.
Taong 2019, ang China ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng dayuhang turista sa Pilipinas na pumalo sa 1.74 million.