Nadagdagan pa umano ang mga abugadong umaalis sa legal team ni dating US President Donald Trump na kakatawan sa kanya sa gagawing impeachment trial sa Senado.

Batay sa ulat ng US media, kumalas na sa panig ni Trump sina Butch Bowers at Deborah Barbier, na sinasabing “mutual decision.”

Una na ring umalis ang dalawang dating federal prosecutors sa South Carolina na sina Greg Harris at Johnny Gasser.

Maging ang abugado mula North Carolina na si Josh Howard na bagong salta sa team ay wala na rin.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung sino ang kakatawan kay Trump sa impeachment trial.

-- Advertisement --

“We have done much work, but have not made a final decision on our legal team, which will be made shortly,” saad sa Twitter ng adviser ni Trump na si Jason Miller.

Magsisimula sa Pebrero 9 (Manila time) ang pagdinig tungkol sa reklamong incitement to insurrection na kinakaharap ng dating American chief executive. (BBC)