Nag-isyu ang federal judge na si US District Judge Maame Ewusi-Mensah Frimpong ng temporary restraining order (TRO) sa immigration arrest ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) agents ng administrasyon ni US President Donald Trump sa Los Angeles, California nang walang probable cause.
Gayundin, ipinag-utos sa Department of Homeland Security (DHS), na siyang namamahala sa ICE, na ihinto ang pag-aresto sa mga indibidwal base lamang sa kanilang lahi, lengguwahe o trabaho.
Iniutos din ng US judge, na appointee ni dating US President Joe Biden, na dapat gumawa ang DHS ng guidance para sa kanilang mga opisyal sa pagtukoy ng “reasonable suspicion” na kanilang pinagbasehan sa pag-aresto nang labas ang lahi, lengguwahe o accent ng isang indibiwal na nasa isang partikular na lokasyon gaya ng bus stop o klase ng kanilang trabaho.
Limitado naman ang ruling sa 7 county na nasa hurisdiksiyon ng US Central District of California kabilang ang LA at nakapalibot na lugar.
Saklaw din sa temporary restraining order ang Federal Bureau of Investigation (FBI) at Justice Department, na kasama bilang defendants sa kaso at sangkot sa immigration enforcement.
Ang ruling ng federal judge ay kasunod ng inihaing kaso ng ACLU ng Southern California laban sa Trump admin noong nakalipas na linggo bilang kinatawan ng limang indibidwal at immigration advocacy groups na inakusahan ang DHS ng pagsagawa umano ng mga pag-aresto na labag sa batas at hinarang ang mga detainee na makausap ang kanilang mga abogado.