Isang Senate committee report ang nagsiwalat ng serye ng “preventable failures” o mga kapalpakan sa loob ng U.S. Secret Service na halos ikinamatay aniya ni U.S. President Donald Trump noong campaign rally sa Butler, Pennsylvania, Hulyo 13, 2024.
Ayon sa Republican-led Senate Homeland Security and Governmental Affairs Committee, nakalusot ang 20-anyos na si Thomas Matthew Crooks, na umakyat ng bubong malapit sa rally nang hindi namamalayan ng security agent, at nagpaputok ng walong bala. Kung saan tinamaan si Trump sa tainga, ngunit nakaligtas at agad na nagtaas ng kamao habang sumisigaw ng “Fight, fight!”
“It is a miracle that President Trump survived,” ani Senator Rand Paul, chairman ng komite. Tinawag niyang “inexcusable” ang nangyari at kulang umano ang naging kaparusahan.
Sa imbestigasyon, lumabas na kulang sa coordination para sa dagdag na seguridad ni Trump bago pa maganap ang rally. Anim na Secret Service agents ang sinuspinde ng hanggang 42-araw nang walang bayad hinggil sa nangyaring insidente, ngunit ayon sa mambabatas kulang umano ang naging kaparusahan.
Isa sa mga malaking kapalpakan umano ay ang hindi pag-broadcast ng babala mula sa lokal na pulis tungkol sa isang kahina-hinalang lalaki na may bitbit na rangefinder —25 minuto bago ang pamamaril.
Hindi rin umano ito umabot sa mga ahenteng nagbabantay kay Trump.
Isang counter-sniper ang umaming hindi rin siya inabisuhan ng anumang banta sa long-range shooting, kaya hindi niya inireport ang nakita niyang kahina-hinalang tao, dahil inakalang may ibang gagawa nito.
Dahil sa insidente, napatay ni Crooks ang isang lokal na bumbero, at nagtamo ng sugat ang iba pa bago siya tuluyang binaril ng Secret Service sniper.