Apektado na rin ang turismo sa lalawigan ng Batangas sa gitna ng nagpapatuloy na paghahanap at pagrekober sa umano’y mga bangkay ng mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang itinapon sa Taal Lake.
Ayon kay Talisay Municipal Administrator Alfredo Anciado, hindi pa man halos nakakabangon ang industriya ng turismo sa lalawigan mula nang padapain ito ng pandemiya at pagsabog ng bulkang Taal, panibagong dagok nanaman ang kinakaharap ng sektor dahil sa retrieval operations sa kanilang lugar.
Sa may Talisay, na isa sa mga bayang nakapalibot sa lawa, nakitaan ng mabilis na pagbaba ng tourist arrivals kung saan ang ilan ay nagkansela na ng kanilang reservations at bookings.
Matatandaan na isa nga sa pangunahing dinadayo ng mga turista sa Taal Lake ay ang pamamangka doon dahil natatanaw din ang bulkan.
Kaya naman umaapela ngayon ang lokal na pamahalaan ng Talisay sa gobyerno na muling payagan ang mga turista na makarating sa Volcano Island kahit na sa mga limitadong lugar lamang gaya ng tourism center.
Subalit maaalala na nauna ng ipinagbawal sa mga residente malapit sa active volcano na huwag muna bumalik maging ang mga turista ay hindi pinapayagang makabisita sa isla na idineklarang permanent danger zone kasunod ng pagsabog ng bulkang Taal noong 2020.
Samantala, maliban nga sa turismo, nauna na ring napaulat na apektado na ang kabuhayan ng mga mangingisda at bentahan ng endemic na Tawilis mula sa Taal Lake dahil sa mga nadiskubreng mga sako ng pinaniniwalaang naglalaman ng mga buto bagamat hindi pa tukoy kung ito ay sa mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon sa lawa.