Kinumpirma ng Department of Justice na itinuturing na bilang isang ‘pugante’ o ‘fugitive from justice’ ang gaming business tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang kaugnay sa kasong may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa isinagawang pulong balitaan, kanyang ibinahagi ang kumpirmasyon ukol sa sitwasyon ni Atong Ang.
Aniya’y ikinukunsidera na ng kagawaran ang nabanggit na akusado bilang pugante kasunod nang makasuhan at isyuhan ng korte ng ‘warrant of arrest’.
Sa kasalukuyan kasi, bagama’t ipinaaresto na siya ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26 sa mga awtoridad, bigo pa ring matagpuan si Atong Ang.
Subalit ayon kay Prosecutor General Fadullon, ang pagtakas ng akusado mula sa batas ay hindi magdudulot para maantala at mahinto ang pag-usad ng kaso sa kapwa nito mga akusado.
Karapatan aniya ng ibang ‘respondents’ na mapabilis ang paglilitis na isasagawa ng korte kaugnay sa mga akusasyon at paratang laban sa kanila.
Ibinahagi naman ni Justice Secretary Fredderick A. Vida na ’10 counts of Kidnapping with Homicide’ ang kasong kinakaharap ni Atong Ang at 17 kapwa akusado.
Bukod pa rito’y sinampahan rin siya at 3 iba pang respondents ng hiwalay na kasong 16 counts of kidnapping with serious illegal detention may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.















